Featured Post

Ganito Pala Nagsimula Ang Kakaibang Love Story Nina Mahal At Mygz Molino


Unang nagkakilala ang komedyanteng si Mahal at indie actor at YouTube vlogger na si Mygz Molino sa isang palabas sa Abra noong 2010. Iyon ang naging hudyat ng pagsisimula ng kanilang pagkakaibigan. Subalit pansamantalang natigil ang kanilang pagkakaibigan at komunikasyon. 

Si Mahal ay na-link sa ilang mga kalalakihan at pinag-usapan ang kaniyang mga naging karelasyon. Kasama sa listahan sa mga nagpasaya sa puso ni Mahal ay ang yumaong singer-actor na si Jimboy Salazar, Aries Navarro, Sam Jacinto, at Jess Davalos kung saan nag-viral ang kanilang ipinost na TikTok video noong nakaraang taon.

Naging usapan din sa social media ang pagpapakasal ni Mahal kay Jobbie Hebrio noong November 1, 2015. Dalawang taon ang itinagal ng kanilang relasyon, at nang maghiwalay silang dalawa ay doon na muling nanumbalik ang pagkakaibigan nito kay Mygz.

Taong 2012 naman ng magkasama sila sa indie film na 'Id'Nal'. Si Miguel Molino ay isang indie film actor at modelo. Ginawa nito ang mga pelikulang 'Id'Nal', 'Mapus0k', 'Mestizo: A Beautiful Boy', at 'Hawla' noong 2012. Pinasok din nito ang content creation at nagbukas ng sarili niyang YouTube channel na ngayon ay mayroon ng halos isang milyong subscribers. May sarili ding scents and fragrance business si Mygz. Kilala din siya sa pagiging gym buff. Si Mygz ay mahusay din sa pagguhit at pagpinta.

Sa isang guesting ni Mahal sa TV show na 'The Boobay and Tekla show', na-interview ito sa pagiging malapit nila ni Mygz sa isa't isa. Nang matanong siya kung paano dumating si Mygz sa kaniyang buhay, sinabi nito na matagal na silang magkaibigang dalawa. Nang tanungin naman ni Tekla kung sino si Mygz sa kaniyang buhay, sinagot ito ni Mahal at sinabing malapit na kaibigan at matulungin ito sa lahat.

Subalit makikita sa mga mata ni Mahal na mayroon itong kinang. Sinabi din ng komedyante ng buong tapang na mahal niya si Mygz. Nilagay naman nina Boobay at Tekla sa hot seat si Mygz at tinanong kung hanggang kailan nito alagaan si Mahal. Ani Mygz, hangga't kaya niya ay hindi niya iiwan ang kaibigan. Ipinapasa-Diyos niya din ang kanilang relasyon at hindi ito magsasawang alagaan ang komedyante.

Si Mygz din ang naging kasama ni Mahal sa lock in taping sa huling teleserye na ginawa niya na 'Owe My Love' sa GMA-7. 

Matagal man silang naging magkaibigan at nagkasama pa sa isang pelikula, taong 2014 lamang nakita ng publiko ang litrato nilang magkasama. Kasama sa kanilang litrato ay ang aktor na si Carlos Agassi para sa isang out of town show.

Lumipas ang ilang taon ay mas lalong pinaglapit ang dalawa. Makikita din ito sa mga videos na kanilang inu-upload kung saan mapapansin ang kanilang pagkukulitan at paglalambingan. Muli naman silang nakita na magkasama sa isang Christmas party noong 2018. Walang makapagsabi noon sa tunay na estado ng kanilang relasyon dahil walang label ang dalawa para dito. Nakikita lamang ng publiko na kakaiba ang pag-aalaga na ginagawa ni Mygz kay Mahal base na din ito sa dalas ng kanilang pagsasama sa vlog ng aktor.

Nang matanong naman ito sa isang interview kung may posibilidad na mauwi sa pagmamahalan ang kanilang pagkakaibigan, sinabi niya na hindi niya iyon masasagot subalit posible ang lahat a t Diyos na lamang ang makakapagsabi kung nararapat silang pumasok sa isang romantic relationship. Minsan na ding napag-usapan ang pagiging manager ni Mygz subalit itinanggi niya ito at sinabing matibay lamang ang kanilang pagkakaibigan. Nalalagyan kasi ng publiko ng ibang kahulugan ang closeness nilang dalawa.

July 2020 pa nang magdesisyon ang dalawa na tumira sa iisang bubong. Dati sila ay nanuluyan sa inuupahang bahay ni Mygz subalit napag-isipang lumipat sa Batangas kasama ang kaniyang pamilya upang makatipid sa gastos. Ikinuwento ni Mygz na nakakatulong na si Mahal ngayon sa kaniyang pamilya. Panganay na anak si Mahal at ang iba din nitong kapatid ay tumutulong sa kanilang magulang. Dagdag ng aktor, madaling pakisamahan si Mahal at may mabuting kalooban ito. Ang mga taong mabait sa kaniya ay sinusuklian niya ng kabutihan at magpapaabot din ng tulong kung kinakailangan.

Patuloy na kwento ni Mygz na normal lamang ang kanilang sitwasyon sa tinutuluyang bahay kapag wala silang trabaho. At dahil hirap sa pagkilos si Mahal, si Mygz ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Saad ng aktor, wala itong hinihingi na kahit anong kapalit kay Mahal. Makita lamang niya na maayos ang kalagayan ng komedyante ay ayos na ito sa kaniya. Natanong din si Mygz kung paano nito ipapakita ang suporta at pag-aasikaso sa kaibigan. Maliban sa siya ang gumagawa ng mga gawaing bahay, siya din ang tumutulong kay Mahal upang hindi ito maligaw ng landas.

Aniya, mas bata siya sa komedyante ngunit mas malawak ang kaniyang karanasan sa pakikisama sa ibang tao. Sinasabihan din niya si Mahal na pag-aralan at pag-isipang mabuti ang isang bagay bago ito magbigay ng desisyon.

Ang pagtulong ni Mahal sa kapwa na nangangailangan ay likas na sa komedyante. Subalit patuloy pa din sa pagbibigay ng payo si Mygz sa mga lumalapit kay Mahal. Ayon sa kaniya, kailangan ni Mahal ang mag-ipon para sa kaniyang pamilya at sa sarili. Iyon muna ang dapat niyang isipin bago ang pagtulong sa ibang tao at kapag marami na ang kaniyang naipon ay maaari na siyang tumulong sa mga taong nangangailangan.

Tiniyak ni Mygz na makakapag-ipon si Mahal kaya naman tinulungan niya itong magbukas ng sariling bank account. Wala itong kahit na anong kinalaman sa savings ni Mahal at tanging ang pamilya lamang ng komedyante ang may alam tungkol sa kinikita nito. Kaya naman hindi din naapektuhan si Mygz sa mga sinasabi ng tao tungkol sa kaniya. Alam niya kasi kung ano ang ginagawa niya para mapabuti ang kalagayan ni Mahal.

Nalagay minsan sa sentro ng kontrobersiya si Mygz nang maparatangan ito ng ilang kaanak ni Mahal na ginagamit lamang niya ang komedyante. Madalas kasi ang ginagawa nitong pagpapaiayak kay Mahal sa mga prank videos na kanilang inu-upload. Ang iniisip ng iba ay ginagawa lamang iyon ni Mygz upang maparami ang kaniyang subscribers sa YouTube.

Subalit ang prank video kasama ang DonEkla Tandem ay hindi ikinatuwa ng mga kamag-anak ni Mahal kaya naman nagpasya silang pauwiin na lamang ito sa Bicol. Umiiwas si Mygz na maapektuhan ng mga maling paratang sa kaniya ng ilang kapamilya ni Mahal. Nilinaw nito na tinutupad lamang niya ang ipinangako sa komedyante na hindi ito pababayaan.

Matagal na din niyang inaasahan na darating ang panahon na may mga taong kukuwestiyon sa intesnsyon at motibo niya sa pagtulong kay Mahal. Ani Mygz, takot siya sa karma at may takot din sa Diyos kaya ni minsan ay hindi sumagi sa kaniyang isipan ang manggamit sa kapwa.

Kaya naman ang komedyanteng si Ai Ai delas Alas ay humanga sa unconditional love na mayroon si Mygz para kay Mahal. Nakita kasi ni Ai Ai kung paano alagaan ng aktor si Mahal habang nasa lock in taping sila ng seryeng 'Owe My Love'. Naiyak ito dahil ang pagkakakilala nito kay Mygz ay iba sa iniisip ng publiko.

Ani Ai Ai, totoo ang ipinapakita nitong concern kay Mahal. Nasabi din ng comedy concert queen na bilib at hanga siya kay Mygz sa ipinapakita nitong pagmamahal para sa kaibigan. Dagdag pa nito, sobrang blessed si Mahal sa pagdating ni Mygz sa kaniyang buhay at naniniwala ito na walang ibang motibo si Mygz kaya maganda ang pakikisama na ginagawa nito sa kaniya.

Maging ang aktres na si Kiray Celis ay hinangaan din ang pagiging mabuting tao ni Mygz at sa ipinapakita nitong pag-aasikaso kay Mahal.

Para naman sa nakararami, hindi pangkaraniwan ang ganitong klase ng pagmamahalan. Marami na ding pinagdaanan si Mahal pagdating sa kaniyang buhay pag-ibig at hindi maiiwasan ng publiko na lagyan ng kulay at ibang kahulugan ang bawat lalaki na madadawit sa kaniyang pangalan. Ang iba kasing naka-relasyon ni Mahal ay napabalitang inabuso lamang ang kaniyang kabaitan.

Subalit ibahin natin ang binuo nilang love team o tandem sa social media na tinawag na 'MaMygz'. Kung karamihan ng publiko ang nag-iisip ng hindi maganda tungkol sa kanilang dalawa, ang mga tunay na sumusuporta naman kay Mahal ay nagpapakita ng pagkagiliw sa tandem nila ni Mygz. Natutuwa ang mga ito sa ipinapakita nilang good vibes sa bawat video upload nila.

Suportado naman ng mga fans ang kanilang binuong samahan dahil nakakapagbigay ito ng aliw sa sinumang makakapanood sa kanilang mga vlogs. Kaya naman sa pagkawala ng partner at ka-tandem ni Mygz, tiyak na marami ang makaka-miss sa nabuong pagsasama nilang dalawa sa social media.

Ikinalungkot ng publiko ang paglisan ng isa sa magagaling na komedyante sa mundo ng showbiz. Marami din ang nagsasabi na maagang kinuha si Mahal dahil sa nagpakita ito ng kabutihan sa kapwa. Ang kasabihang "Only the good die young" ay tama lamang upang ilarawan ang pagiging mabuti at matulungin na tao ni Mahal. 

May mga netizens nga na nakapagsabi na ang huling misyon ni Mahal sa mundo ay ang matulungan ang kaniyang kaibigan na si Mura na matagal niyang nakasama sa showbiz at on-screen partner niya noon. Ito ay kaniyang naisagawa bago pa man maging huli ang lahat. 

Sa paglisan ni Mahal, hindi lamang ang kaniyang pamilya, kaibigan, at mga tagahanga ang makaka-miss sa saya na naidulot nito sa marami. Ang nag-iisang lalaking nagpakita ng tunay na pagmamahal sa kaniya, platonic man o hindi, ay tiyak na hindi makakalimutan ang magagandang alaala na iniwan nito noong sila ay magkasama pa. Nararapat lamang na bigyan ng pasasalamat si Mygz dahil hanggang sa huli ay napasaya niya si Mahal na dumaan sa maraming pagsubok sa buhay. Naging instrumento ito sa kaniya upang bigyan siya muli ng pag-asa na makapagsimula at ituro sa kaniya ang tamang landas na kaniyang dapat tahakin.

No comments