Featured Post

Aso, Naluha Matapos Ibenta Ang Kaniyang Kaibigan


Hindi napigilang tumulo ang luha ng asong ito noong makita niya na ibinebenta ng kaniyang amo ang isang baka na tinuturing niyang isa sa pinaka espesyal sa kaniyang buhay.

Alam naman natin na ang mga aso ay talagang mapagmahal at kilalang masunurin sa kanilang mga amo, bagay na ikinatutuwa natin. Dahil doon, itinuturing na natin sila bilang isang kapamilya o parte na ng ating buhay. Bukod sa sila ay mapagmahal, sila rin ay mga sensitibong nilalang. Kaya naman lagi silang nalulungkot sa tuwing umaalis o hindi nila nakikita ang kanilang mga amo.

Bukod sa marunong silang magmahal sa kanilang mga amo, pinapahalagahan din nila ang ibang hayop na kanilang nakikilala. Kung hindi man nila kayang itago ang kanilang kasiyahan sa tuwing kasama nila ang mahal nila sa buhay ay ganoon din ang nararamdaman nila sa tuwing may nawawala sa kanila.


Isang halimbawa dito ay ang aso na si Rookie. Si Rookie ay isa lamang sa mga napakaraming aso dito sa mundo na kayang ipakita ang kakaibang emosyon na hindi kayang ipakita ng ibang aso. 

Matapos siyang abandunahin ng kaniyang ina noong siya ay tuta pa lang, napagpasyahan ng mag-asawang magsasaka na ito sa South Korea na alagaan na lamang siya at palakihin. 


Sa kabutihang palad ay lumaki naman ng maayos si Rookie. Lumaki siya sa piling ng iba pang hayop sa bukid ng mag-asawa kung saan nakatagpo siya ng espesyal na pakikisama sa isang inahing baka. Itinuring niya itong kaniyang ina. Araw-araw siyang nakikipaglaro dito at halos hindi na niya ito iniiwan. Magkatabi sila matulog at sabay din silang kumakain. Lagi din silang masayang nagbo-bonding.

Subalit isang araw ay nagkaroon ng problema ang mag-asawa. Kailangan nilang magkaroon ng pera pang tustos sa kanilang pang-araw-araw na buhay dahil buwan na naman ng taghirap noon. At ang tanging solusyon lamang na nakikita nila para sila ay magkapera ay ibenta na lamang ang inahing baka sa isa ding magsasaka na medyo malayo sa kanilang bahay.


Noong araw na kukunin na ang baka, dito nakaramdam ang aso ng isang napakalungkot na emosyon. Nararamdaman niya na marahil ay hindi na niya makikita pa ang hayop na itinuring niyang kaniyang magulang. Kaya naman dito na nagsimulang tumulo ang luha ng aso na animo'y isang tao na nakakaramdam talaga ng pagdadalamhati.

Makalipas ang ilang oras matapos kuhanin ang baka, bakas pa din sa mukha nito ang matinding lungkot ng bigla siyang makarinig ng isang malakas na ungol ng isang baka sa hindi kalayuan. Gamit ang kaniyang malakas na pandinig at matalas na pang-amoy, tumakbo ito at hinanap kung saan nagmumula ang ungol. Hanggang sa matagpuan niya kung saan naroroon ang baka. 


Masayang masaya ito ng makita niya ang baka. Bakas din sa mukha nito ang matinding pag-aalala. Subalit ang kasiyahang ito ay panandalian lang noong iuwi din ito ang kaniyang amo.

Sa unang araw na hindi na niya nakikita pa ang baka ay malungkot na lamang itong nakaupo sa isang sulok at tila ba hinihintay ang pagbabalik ng kaniyang itinuring na ina. Hindi na din siya kumakain dulot ng kaniyang kalungkutan. Dahil sa awa ng mag-asawa, nagdesisyon silang bawiin na lang muli ang baka. 

Dahil doon, nabuhayan muli ang asong si Rookie ng makita ang baka na papasok sa kanilang munting tirahan. 

Patunay lamang ang kwentong ito na kahit hayop man sila ay mayroon talaga silang pakiramdam at may matibay na pakikisama sa iba pang uri ng hayop at pagmamahal sa iba. Sana ay magsilbi itong aral sa marami. Mahalin natin ang ating kapwa at irespeto natin sila anuman ang estado natin sa buhay.

No comments