Featured Post

Konduktor na sumusweldo ng 10-15 pesos kada araw noon, ngayon limousine na ang kanyang minamaneho sa Los Angeles California

 

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho
            Ipinalabas sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang kuwento ng dating konduktor at ngayo’y chauffer na si Felix Santillan. Ang ruta raw niya dati ay biyaheng Baclaran-Monumento;Monumento-Baclaran. Ngunit ngayon, limousine na ang kanyang minamaneho sa Los Angeles California, USA at ilang Hollywood stars na rin ang kanyang naging pasahero.

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho
            Alam na raw ni Santillan noong siya ay bata pa na iginagapang silang siyam na magkakapatid ng kanilang mga magulang. Inakala nga raw niya na ginagawa ng lahat ng tao ang kanilang mga ginagawa. Noong mag-hayskul si Santillan, doon siya nakaramdam ng hiya na mahirap ang katayuan ng kanilang buhay at napagtanto niyang dapat siyang magsumikap. 

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho
             Nang matapos ang sekondarya, naging konduktor si Santillan at sumusuweldo siya ng P10-P15 kada araw. Sa mga naranasang pagod at hirap, naging karamay niya ang pumanaw niyang kaibigan na si Alfredo. Siya raw ang nagsabing ituloy lang ang kanyang ginagawa at huwag mawalan ng pag-asa.

            Sumampa rin daw ng barko si Santillan at nakarating sa El credo, Pakistan, at Saudi Arabia. Nang magkaroon ng oportunidad na makapunta sa Amerika, naging mekaniko siya sa US Navy at sa post office. Doon na nga raw siya nakapag-asawa at nagka-anak. 

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho
            Nag-retire si Santillan sa edad na 51. Para patuloy na kumita, nag-apply siya bilang drayber ng mga limousine. Subalit, sa hirap daw ng trabaho ay walang tumanggap sa kanya.
            Dahil dito, isinugal niya ang kanyang ipon at bumili ng limousine na nagkakahalaga pa noon ng $70,000. Madalas daw na mga Pilipino ang tumatawag at sumasakay sa kanya noon at nag-iiwan siya ng cards sa mga studio, bahay, at business. Taong 2004 naman daw nang dumating ang kanyang big break.  

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho

           Nagtrabaho ako sa Paramount Studio, at saka sa kumpanyang tinatawag nilang Driving Force… si Patti Austin main stay ko siya. Local siya nasa studio city ‘yong bahay niya kaya airport, dinner, at saka mga concert niya noon talagang busy-busy ako.”

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho

            Isa rin si Simon Cowell sa kanyang pasahero. Ayon pa kay Santillan, mga Pilipino raw ang nanny at katulong ni Cowell kaya palagay raw ang loob nito sa kanya. Samantala, tinatawagan daw siya ni Chris Evans at sinasabihang mag-relax lang siya at ayaw niyang itinatapat sa kanila ang rear view mirror.

            Aminado si Santillan na naapektuhan siya ng pandemya. Ngunit, ngayon pa ba raw siya susuko matapos ang 32 taon sa Amerika at ngayo’y mayroon na siyang 17 magagarang sasakyan.
“Hindi ko akalain talaga na nangyari ‘to sa buhay ko e. Hindi ko inaasahan na makarating ako dito sa Amerika. ‘Di ko inaasahan na makita ko ‘yong mga celebrity.”

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho

        Bukod sa mga sasakyan, mayroon na rin silang dalawang paupahang bahay sa Los Angeles at naipetisyon niya na rin ang kanyang ina at pitong kapatid.
“Huwag kang mag-give up. Mag-aim ka ng high ‘yong para bang ‘Kung kaya nila, kaya ko rin ‘yon.’ Nagawa ko ‘to sa sarili kong hirap at pagtitiyaga.”

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho

        Isang patunay si Santillan na kahit gaano kahirap ang buhay, kung magpapatuloy lang sa paggawa na sinamahan pa ng sipag at tiyaga, tiyak na makakamit din sa huli ang inaasam na mga pangarap.

Source: Kapuso Mo, Jessica Soho





No comments