Featured Post

Dayuhan, binigyan ng libreng alkansya matapos magpanggap na walang pera pambili

 

Source: The Hungry Syrian Wanderer

Sinubukan niya lamang “humingi” subalit higit pa rito ang “ibinigay” nila.

Sa isang vlog na ini-upload ni Basel Manadil, o mas kilala bilang si “The Hungry Syrian Wanderer,” nitong Pebrero 12, 2020, makikita kung paano magbigay ng kabutihang-loob ang mga Aeta kahit sa mga taong hindi nila lubusang kakilala.

Source: The Hungry Syrian Wanderer

Nagtungo sina Basel at ang assistant niyang si Joe sa isang mall sa may Binondo. Doon ay hinanap nila ang mga Aeta na nagtitinda ng mga kawayang alkansya at iba pa. Gagawin kasi nila ang isang “social experiment” kung saan susubukan nilang pumili sa mga panindang ito saka itatanong sa mga Aeta kung maaari ba silang makakuha ng produkto nang libre.

Nakita nila ang grupo ni Daniel, 23, sa hagdan ng nasabing mall. Dito ay nagtanong-tanong na sina Basel at Joe kung ano-ano ang mga produkto nila. Isa na nga rito ang kawayang alkansya. Ayon kay Daniel, maaari daw itong hulugan ng perang papel at barya sapagkat matibay raw ito. Sila rin daw mismo ang gumagawa at talagang “hand-made” daw ang mga alkansyang ito.

Source: The Hungry Syrian Wanderer

Nakumpirma nina Basel at Joe na taga-Zambales sina Daniel. Ani rin ng 22-taong gulang na kasama ni Daniel, araw-araw daw silang nagtutungo sa nasabing mall upang magtinda. Ibinahagi naman ng isa pa nilang kasamang 24-taong gulang na kasalukuyan silang nanunuluyan sa gilid ng riles sa Tayuman.

Matapos nito’y inumpisahan na nga nina Basel ang “social experiment.” Tinanong nila kung maaari ba silang kumuha ng dalawang alkansya (P150 ang may kalakihan, P100 naman ang mga mas maliliit, at P70 naman ang mga may kulay) at dalawa pang produkto (P25 bawat isa) nina Daniel. Ang “problema” – nakalimutan daw nina Basel at Joe ang kanilang pera kaya tinanong nila kung maaari daw ba nila itong makuha nang libre.

                                                                                                            Source: The Hungry Syrian Wanderer
 

Agad namang pumayag sina Daniel at sinabi niyang “nandito lang ako” habang tinutukoy ang lugar ng kanilang pinagbebentahan kung sakali mang “balikan” sila ni Basel.

Nang makuha na nina Basel at Joe ang mga “libreng” produkto, nagpasalamat sila kina Daniel at nagtungo na sa loob ng mall – habang sinusundan sila ng mga makahulugang titig mula sa mga taong madalas makaranas ng diskriminasyon sa lipunan.

                                                                                                                Source: The Hungry Syrian Wanderer

Subalit ilang minuto lamang ay bumalik sina Basel at Joe. Sa sandaling ito’y kinausap muli ni Basel si Daniel at sinabing kahit alam niyang mukhang mayaman at may-kaya ang vlogger ay pinili pa rin nitong ibigay nang libre ang kaniyang mga produkto.

Source: The Hungry Syrian Wanderer

At bilang gantimpala sa kabutihang ipinakita nila, sinabi ni Basel na papakyawin niya ang kanilang mga paninda. Nagpasalamat sina Daniel habang kitang-kita sa kanilang mga pagngiti at pagkinang ng kanilang mga mata ang kasiyahan dahil sa “biyayang natanggap” nila sa araw na iyon.

Source: The Hungry Syrian Wanderer
 
Bago matapos ang video ay ipinakita ni Basel ang isang babaeng nagngangalang Mariz na siya umanong nag-message sa kaniya tungkol sa mga kababayang Aeta na balak niya noong sorpresahin – na ngayon ay naging realidad na.

Source: The Hungry Syrian Wanderer
 



No comments